Mga Pahina

Huwebes, Setyembre 1, 2011

Pag-ibig nga naman ni Claribeth Zapanta

Ba’t ang pag-ibig sadyang nakakalito,
Hindi mo minsan alam ang gagawin mo,
Lalung-lalo na kung siya’y malapit sa’yo,
Biglang bumibilis ang tibok ng puso.

Lagi bakas ang saya sa aking mukha,
Kapag araw-araw ko siyang nakikita,
Kahit sa malayo man lang ay sapat na,
Araw ko’y ‘di kumpleto kapag wala siya.

Alam kong mali ang ginagawa kong ito,
Ang maniwalang ako rin ay gusto mo,
Kaya ngayon ititigil ko na ito,
Lalo lang nagdurugo ang aking puso.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanto,
Kung bakit ako sa kanya’y nagkagusto,
Pasaway siya at hindi naman din gwapo,
Laging siya ang nag-uumpisa ng gulo.

Ano na naman itong aking nakikita,
Tila siya ay nakahanap na ng iba,
Puso ko’y nasaktan nung kasama mo siya,
Pero wala naman akong magagawa.

Ngunit dahil sa mga pangyayaring iyon,
Ako’y gumawa ng matinding desisyon,
Bago maubos ang natitirang panahon,
Upang hindi tuluyang maging patapon.

Hindi na baling ako ay hindi mo gusto,
Basta’t malaman mo nararamdaman ko,
‘Wag mag-aalala, Ako sa iyo’y lalayo,
Pagkatapos kong ipaalam ito sa’yo.

Alam kong mahirap ang gagawin kong ito,
Ang sabihin ko ang nilalaman ng puso,
Hinihiling ko na ako’y pakinggan mo,
At malamang “ika’y mahal na mahal ko”.


1 komento: