Maikling Kwento
Mula sa isang liblib na lugar, malapit sa may tabing ilog ay makikita ang maliit na dampa na pinaglalagian ng mag-asawang Francis at Mae. Maliit, masukal at butas butas ang kanilang dampa. Halata ang hirap na dinadanas ng kanilang pamilya . Kapwa dalampu’t dalawang taong gulang lamang ang magasawa at biniyayaan sila ng isang anak na pinangalanan nilang Franco.
Isang gabi, nagising si Franco mula sa patak ng ulan na tumatama sa kanyang mukha. Malakas ang ulan at ang hampas ng alon mula sa pader na kinatatayuan ng kanilang bahay ay nagpapayanig sa kanilang munting tahanan. Nakakatakot ngunit hindi alintana ni Franco ang panganib ng pagtira malapit sa tabing ilog.
Nang magising si Franco, panunuyot ng lalamunan ang agad niyang naramdaman kaya’t nagtungo siya sa kanilang kusina upang kumuha ng maipantatawid uhaw. Habang naglalakad, naulinigan niya ang mga ungol mula sa silid ng kanyang magulang. Dahil sa luma’t butas-butas ito, madaling nakasilip si Franco mula sa labas ng kwarto ng kanyang magulang.
Nabanaag ni Franco ang imahe ng kanyang ina at isang bagong mukha na ngayon pa lamang niya nakita.Wala rin ang kanyang ama ng mga sandaling iyon kaya labis siyang nagtaka. Lumabas ito upang ayusin ang kanilang sira-sirang dampa. Kapuna puna rin sa paningin ni Franco ang kakaibang itsura ng ina. Puno ng pawis ang buong mukha nito at halata ang pagkapagod. Para bang hinugot ng taong kasama ng kanyang ina ang lahat ng lakas nito.
Sa bawat paglipas ng minuto na sinisilip ni Franco ang kanyang ina, lalong ding tumitindi ang pagnanasa ng bata na pumasok sa silid ngunit sadyang napako ang kanyang mga paa sa sahig na kanyang kinatatayuan. Bumibilis ang tibok ng puso niya habang pinapanuod ang mga pangyayari sa loob ng silid. Gusto na niyang matapos ang paghihirap ng ina ngunit wala siyang magawa para ibsan ang lahat ng ito.
Sa bawat paghinga at pag-ungol, mararamdaman ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas nito. Hanggang sa isang malakas na ungol ang pinakawalan ng ina ni Franco na naging dahilan ng pagkawala ng malay nito. Kasabay ng pagkakatahimik ng ina ang isang malakas na iyak ng sanggol.
Hindi makapaniwala si Franco sa kanyang mga nakita. Mayroon na siyang nakababatang kapatid at magiging kasangga. Hindi napansin ng bata ang biglang pagtulo ng kanyang mga luha, sabay sabing “Salamat Lord, hindi mo pinabayaan ang mama at kapatid ko”. Isang tapik mula sa kanyang likuran ang nagpabalik ng kanyang diwa. Nakita niya ang kanyang ama at agad niyakap. Sabay silang pumasok sa silid upang silayan ang munting sanggol, kasama ang kanyang ina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento