(Para sa pamilyang tiga-NorthBay Boulevard-South, Navotas City na aking nakapanayam noong Abril 2011.)
Ako nga pala si Aiah. Isang tipikal na kolehiyala mula sa pribadong paaralan. Nakasanayan ko na ang magtrabaho tuwing bakasyon upang magkaroon ako ng pambili ng mga gamit ko sa paaralan pati na rin ng mga luho ko.
Nagaaply ako sa isang programa ng gobyerno ng aming bayan, at sa kabutihang palad, natanggap ako. Inilagay ako sa CSWD at dito, nagsimula akong mamulat mula sa katotohanan. Lumaki akong sunod sa luho. Lahat ng naisin ko ay nakukuha ko, ngunit ng mapasok ako sa ganitong trabaho, nagbago ang pananaw ko.
Isang araw, habang ako’y nakaupo at nagaabang sa mga taong hihingi ng tulong mula sa aming tanggapan, napuna ko ang magasawa papalapit sa amin. Iba ang tingin ko sa kanilang dalawa. Wari ba’y kami na lamang ang tanging pagasa nila.
Habang kinakausap ko sila, nakakaramdam ako ng hindi mapaliwanag na awa. Awa na gusto ko silang tulungan ngunit ang tanging bagay maitutulong ko ay kapanayamin sila at kunin ang mga papeles nila, ang boss ko na ang magdedesisyon kung bibigyan sila ng tulong o hindi. Nabanaag ko mula sa kanilang mga mata ang mga luhang pinipigilan nilang pumatak. Nalaman ko ang dahilan ng pagpunta at paghingi nila ng tulong. Ang magasawa, nagnanais silang maisalba ang ina ng lalaki mula sa kamatayan, gamit ang kikirampot na tulong na ibibigay ng gobyerno sa kanila. Naawa ako sa kanila, lalo pa nang hindi tanggapin ng boss ko ang mga papeles nila.
Magiisang linggo na ako sa aking pinapasukan. Habang tumatagal ako sa aking trabaho, patuloy din ang pagkaawang nadarama ko para sa mga taong pinagkaitan ng magandang buhay. Hanggang isang araw sa opisinang aking pinagtratrabahuhan, napuna ko ang hindi maipaliwanag na pagkabalisa ng aking sarili. Hindi ko mawari kung ano ang dahilan ng aking nararamdaman sapagkat maganda naman ang aking gising. Sa araw ding ito, nabanaag ko muli ang mga mukha ng tila ba pamilyar sa akin. Ang magasawa ay bumalik, ngunit sobrang lungkot ng mga mukha nila. Nakaramdam ako ng takot kaya’t pinilit kong iniwas ang sarili ko mula sa kanila, ngunit hindi ako nagtagumpay. Tinawag ako ng boss ko na namamahala sa libreng libing at dito, nalaman ko ang isang hindi katanggap tanggap na pangyayari. Patay na ang ina ng lalaking aking nakapanayam. Malungkot na natapos ang pakikipagusap ko sa kanila at ang tanging naisambit ko lamang sa kanila ay ang salitang “patawad”. Naguluhan ako sa aking sarili kung bakit at ano ang dahilan ng pagkakasabi ko nito. Wari ba’y ako ang dahilan ng pagkamatay ng kanila ina, ngunit walang dapat sisihin. Ang tanging tumatak lamang aking isipan pagkatapos ng mga nangyari ay sadyang napakapait ng buhay para sa mga taong pinagkaitan.
Natapos ang kontrata ko sa aking pinapasukan na may isang bagay akong natutunan. Sadyang nakakatakot ang tunay na realidad ng buhay. Habang maaga pa’y ituwid na lahat ng dapat ituwid at magsikap upang hindi danasin ang mga kabiguan na dinadanas ng iba. Huwag pakakasiguro sa mga bagay bagay sapagkat hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento